Ngayong araw ang ikalawang araw ng World Economic Forum (WEF) sa Switzerland na dinadaluhan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang kanyang economic team abala na sa pagpupulong.
Agad na sumabak sa bilateral meetings ang economic managers ni Pangulong Marcos sa ginaganap na WEF sa Davos, Switzerland.
Ayon kay Trade Sec. Alfredo Pascual, sa unang araw pa lamang ng forum ay nakausap na nila ang senior executives ng mga kompanyang interesadong magnegosyo sa Pilipinas.
Kabilang dito ang Coursera, Chevron, Astranis at She Loves Tech.
May naging pagpupulong din daw sila sa Executive Committee member at Head of International Trade and Investment ng WEF kung saan tinalakay ang potential partnerships sa Pilipinas.
Ayon sa kalihim, iprinisinta nila sa business executives ang bansa bilang ideal investment destination sa Asya.
Ibinahagi sa mga ito ang mas magandang business climate dahil sa ipinatupad na mga reporma sa economic policy na nagresulta ng ease of doing business.
Nakikita ng economic team ang WEF na magandang oportunidad para makalikom ng mas maraming Foreign Direct Investments na makatutulong sa tuloy-tuloy na pagbangon ng ekonomiya mula sa pandemya.
Ngayong araw ay makakasama ni Pang. Marcos ang economic managers sa CEO Dialogue on the Philippines kung saan nakatakdang ibida ang mga inisyatibo ng administrasyon sa enerhiya, food security at digitalization.