Cauayan City, Isabela- Nagsimula na ngayong araw, Enero 20, 2021 ang pagpapatupad sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa syudad ng Tuguegarao.
Ito’y matapos ayunan ng Regional Inter Agency Task Force (RIATF) ang kahilingan ni City Mayor Jefferson Soriano na isailalim ang Lungsod ng Tuguegarao sa 10-araw na ECQ mula 12:01AM, Enero-20 hanggang hatinggabi ng Enero-29.
Bunsod na rin ito sa nakakaalarmang pagdami ng kaso ng Covid-19 sa Lungsod.
Matatandaang sa sulat ni Mayor Soriano kay Gov. Mamba ay hiniling nito na kailangan nang ipatupad ang ECQ sa siyudad dahil patuloy ang pagtaas ng bilang ng nagpo-positibo sa Covid-19 kung saan umabot ito sa pinakamataas na 246-active cases.
Nakasaad pa sa kahilingan ng alkalde na oras na patuloy na lalala ang sitwasyon habang iiral ang ECQ ay palalawigin pa ito ng karagdagang limang (5) araw.
Kaugnay nito ay nakabalangkas na ang Executive Order ng alkalde sa pagpapatupad ng ECQ sa kalunsuran.
Nakapaloob sa Executive Order No. 14 ng Punong Lungsod ang mga panuntunan at regulasyon habang nasa ilalim ng ECQ ang Tuguegarao City.