Cauayan City, Isabela- Nasa 18 barangay ng Tabuk City na kinabibilangan ng Bulanao Norte; Bulanao Centro; Agbannawag; Lacnog; Bado Dangwa; Dagupan Weste; Dilag; Dagupan Centro; Laya East; San Julian; Appas; Cabaruan; Bulo; Cudal; Casigayan; Bantay; Magsaysay; at New Tanglag ang naklasipika bilang critical level dahil sa COVID-19.
Dahil dito, hinihiling ng City Health Office ang sana’y pagpapalawig sa umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) kung pagbabasehan ang kasalukuyang sitwasyon ng siyudad kung saan 42% ng bahagi ng lungsod ay nasa critical level na.
Sa ginanap na Provincial IATF meeting ngayong araw, iniulat ni City Health Officer Dr. Henrietta Bagayao ang kabuuang cumulative cases ng lungsod na umabot sa 669 at 152 dito ay nananatiling aktibo at nakasailalim sa quarantine isolation facilities.
Sa nasabing bilang, apatnapu (40) ang nasa Temporary Treatment and Monitoring Facility (TTMF) sa Barangay Agbannawag;labing-siyam (19) ang nasa Agbannawag Elementary School; pitumpu’t dalawa naman ang nasa Tabuk City National High School at labing-tatlo ang nasa Tabuk City Central School, pawang mga asymptomatic maliban sa isang pasyente.
Lumalabas sa datos ng CHO na 207 close contacts of index cases ang nakatakdang sumailalim sa swab testing.
Una nang nagkaroon ng paglagda sa Memorandum of Agreement ang DepED Tabuk City Division at CLGU upang magamit ang iba pang paaralan bilang Barangay Isolation Units habang naghahanda ang LGU sa ilang gagamiting pasilidad.
Umabot naman sa anim (6) na katao ang naitalang namatay may kaugnayan sa COVID-19 sa lungsod.
Samantala, inatasan naman ni Gov. Tubban ang LCEs upang ihanda ang kanilang rekomendasyon para sa gagawing basehan ng PIATF.
Kung aaprubahan, mapapalawig pa ang ECQ status ng lungsod hanggang Pebrero 14.