ECQ travel protocols, inilatag ng DOTr

Nilinaw ng Department of Transportation (DOTr) ang mga susunding patakaran sa pampublikong transportasyon sa loob ng NCR Plus bubble sa ilalim ng isang linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Ang pangunahing paalala ng DOTr sa publiko na tanging Authorized Persons Outside Residence (APOR) ang pwedeng lumabas ng kanilang bahay sa loob ng ECQ period

Ayon kay Transportation Undersecretary Ochie Tuazon, mahalagang may dala o suot na ID para ipakitang sila ay APOR.


Ang mga APOR ay essential workers at frontliners na nagtatrabaho sa harap ng pandemya at exempted sila sa curfew na ipatutupad mula alas-6:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.

Sa maritime sector, inanunsyo ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago na mananatili ang 50% operating capacity ng maritime transport sa ilalim ng ECQ.

Sa road sector, inihayag naman ni Transportation Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure Mark Steven Pastor na ang lahat ng uri ng Public Utility Vehicles (PUVs) tulad ng pampaserong bus, jeepney, tricycles, taxis at Transport Network Vehicle service (TNVs) ay papayang mag-operate 24/7 sa ilalim ng ECQ period pero sa 50% operating capacity.

Wala ring ipatutupad na taas singil sa panahong ito.

Pahihintulutan din ang back-riders sa mga private-owned motorcycles basta sila ay APOR.

Sa railway sector, sinabi ni Transportation Undersecretary for Railways Timothy John Batan na mananatili sa 20 hanggang 30% operating capacity ng Light Rail Transit (LRT) Line 1, LRT Line 2, Metro Rail Transit (MRT) Line 3 at ng Philippine National Railways (PNR).

Pero inanunsyo rin ni Batan na magkakaroon ng Holy Week Maintenance ang mga nabanggit na railway systems.

Sa aviation, sinabi ni Civil Aeronautics Board Executive Director Carmelo Arcilla, hindi na kailangang limitahan ang kapasidad ng mga airline dahil ang ridership ay bumaba ng hanggang 20% kumpara sa pre-pandemic level.

Nasa 1,500 maximum passenger arrival para sa Filipino passengers ay mananatili habang walang limit sa outbound air travel.

Samantala, ipinag-utos ng DOTr sa lahat ng transport sectors ang “7 Commandments”

  1. Pagsuot ng face masks at face shields
  2. Bawal magsalita o tumanggaw ng phone calls
  3. Bawal kumain
  4. Panatiling maayos ang bentilasyon sa loob ng sasakyan
  5. Madalas na pagsasagawa ng disinfection
  6. Walang papasakaying pasahero kapag nakitaan ng sintomas ng COVID-19

7. Mahigpit na pagsunod sa social distancing

Facebook Comments