Tuloy-tuloy ang konstruksyon ng Edades-Bernal Cultural Center and Museum sa Lungsod ng Dagupan, sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), lokal na pamahalaan ng Dagupan, at National Commission for Culture and the Arts (NCCA).
Lehitimo ang proyekto — may kontrata, may pondo, at may aktuwal na paggawa sa site. Ayon sa DPWH, nagsimula ang proyekto noong 2023 at sumailalim sa rebisyong disenyo matapos ang konsultasyon sa NCCA at lokal na pamahalaan upang higit na maipakita ang pagkakakilanlan ng Dagupan. Ang bahagyang pagkaantala ay dahil sa masusing pagrebisa ng disenyo, bilang pagtitiyak ng kalidad at tibay ng itatayong gusali.
Ang inisyal na pondong ₱50 milyon na inilabas para sa unang yugto ng proyekto ay nakalaan lamang sa paggawa ng matibay na pundasyon, na mula sa pondo ni Senador Pia Cayetano. Ginagamit dito ang bored pile foundation — isang makabagong teknolohiya sa pagpapatatag ng gusali kung saan malalalim na haliging bakal at semento ang inilulubog sa lupa.
Aabot sa 43 metro ang lalim ng bawat bored pile, o katumbas ng 14 na palapag. Dahil malambot ang lupa sa lugar, kinakailangan ang ganitong uri ng masusing paggawa ng pundasyon upang matiyak ang katatagan ng buong estruktura. Ang ganitong klase ng trabaho ay hindi agad nakikita ng mata, ngunit ito ang tunay na haligi ng proyekto.
Patuloy na nagsasagawa ng regular na inspeksiyon ang DPWH upang matiyak ang kalidad ng mga materyales at proseso. Ang presensiya ng mga makina, materyales, at manggagawa sa lugar ay patunay na may ginagawang proyekto — hindi “ghost project.”
Ang Edades-Bernal Museum ay naitatag sa bisa ng Republic Act No. 11726 na isinulong ni dating 4th District Congressman Christopher “Toff” De Venecia at nilagdaan bilang batas noong 2022. Layunin ng proyekto na itaguyod ang sining, kultura, at malikhaing industriya sa Dagupan, bilang pagpupugay sa dalawang Pambansang Alagad ng Sining na tubong Dagupan — sina Victorio Edades, “Ama ng Makabagong Pinturang Pilipino,” at Salvador Bernal, “Ama ng Theater Design” sa Pilipinas.









