Wala nang saysay pa ang Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA at ang Mutual Defense Treaty o MDT dahil sa tuluyang pagkansela sa Visiting Forces Agreement o VFA sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Ito ang naging tugon ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa pahayag ng Malakanyang na nais na ring ipalusaw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang EDCA at MDT.
Ayon kay Guevarra, sa memorandum na kanyang isinumite sa presidente ay nabanggit niya ang mga epekto ng VFA termination sa EDCA, maging sa MDT.
Gayunpaman, wala siyang naging rekumendasyon dahil mawawalan na rin naman ng silbi ang EDCA at MDT kapag wala nang VFA.
Sa kabila nito, sinabi ni Guevarra na wala pang pormal na direktiba ang pangulo o ang Palasyo kung kailangan na ring repasuhin ng Department of Justice (DOJ) ang EDCA at MDT.
Naniniwala naman ang kalihim na makaka-survive ang Pilipinas nang walang VFA o anumang military bases agreement sa Estados Unidos.