Nagtamo ng neck fracture ang beteranong aktor na si Eddie Garcia matapos umano’y mapatid at bumagsak habang nagtataping ng isang upcoming drama series ng GMA 7, ayon sa kanyang attending physician.
Itinanggi ni Dr. Enrique Lagman ang balitang lumabas na inatake ito sa puso.
“The doctors ruled out heart attack and stroke as proven by several validating tests done in Mary Johnston Hospital. He is in critical condition due to severe cervical fracture,” pahayag ni Lagman.
Pahayag ni Bibeth Orteza, kaibigan ni Garcia, sa entertainment news website na PEP.ph, tinatape ang fight scene ng beteranong aktor nang biglang matapilok sa isang kable at tumumba.
“He tripped on a cable wire of the production. Fell face down and fractured something base neck c1 and c2,” kuwento ni Orteza.
Sa kasulukuyan, comatose pa rin ang 90 taong gulang na artista. Siya ay nasa intensive care unit (ICU) ng Makati Medical Center.
Ayon sa GMA Network, sinisiyasat na ng pamunuan ang viral video nang pagkakatumba ni Garcia habang shinushoot ang isang eksena para sa Rosang Agimat.
“The video of Mr Eddie Garcia faltering in his steps and eventually collapsing has reached GMA. We are seriously reviewing the said video as well as other videos of the same scene which our cameras also took, before we make any conclusions on what really transpired.”
Agad isinugod si Garcia sa Mary Johnston Hospital sa Tondo, Maynila matapos ang insidente. Dahil sa kakulangan ng pasilidad at posibleng pagdeteriorate ng kalagayan nito, nag-desisyon ang pamilyang ilipat ito sa Makati Medical Center.
Humihiling ang pamilya sa publiko ng dasal para sa agarang paggaling ng sikat na movie icon.