Eddie Garcia Law, nilagdaan na ni PBBM

Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Republic Act 11996 o ang “Eddie Garcia Law” na naglalayong protektahan at tiyakin ang kapakanan ng mga manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon.

Nakasaad sa batas ang pagpapatupad ng mga oras ng trabaho, sahod at iba pang mga benepisyo na may kaugnayan sa pasahod, social security o iba pang benepisyo, pangunahing pangangailangan, kalusugan at kaligtasan, kondisyon at pamantayan sa pagtatrabaho, at insurance.

Bago sumabak sa trabaho ang isang aktor o empleyado sa telebisyon at pelikula ay dapat may agreement o employment contract muna na lalagdaan sa lengguwaheng naiintindihan ng bawat partido.


Ang mga mapatutunayang lumabag sa anumang seksyon ng batas ay pagmumultahin ng hanggang P100,000 para sa unang paglabag hanggang P200,000 para sa pangalawang paglabag at hanggang P500,000 para sa ikatlo at susunod pang mga paglabag.

Matatandaang isinulong ang Eddie Garcia Law matapos pumanaw ang beteranong aktor na si Eddie Garcia nang maaksidente habang nasa movie set sa Tondo, Maynila noong 2019.

Facebook Comments