Educational tourism sa pagitan ng Japan at Pilipinas, isinulong ni PBBM sa tourism stakeholders sa Tokyo, Japan

Isinulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang educational tourism sa pagitan ng Japan at Pilipinas kung saan nakatutok sa palitan ng mga estudyante at professionals sa tourism-related institutions.

Sa pagharap ng pangulo sa isang roundtable meeting kasama ang tourism stakeholders sa Tokyo, inimbitahan nito ang mga estudyante ng Japan na mag-aral ng ingles sa Pilipinas.

Siniguro rin ng presidente sa nasabing rountable meeting na sa ilalim ng kaniyang administrasyon, nag-shift o lumipat na ang industriya ng turismo sa bansa.


Mula aniya sa dating pagiging promotion arm lamang ng gobyerno, sa ngayon, sinisiguro ng tourism industry na kumbinyente, connected at patas para sa lahat ng biyahero ang pagbiyahe.

Nagtakda rin aniya ang gobyerno kung papaano mapapalakas pa ang pag develop ng mga pangunahing tourism destinations tulad ng pagkakaroon ng mga imprastrakturang maasahan kagaya ng maayos na kalsada at tulay, pati na rin medical facilities, malinis na suplay ng tubig na hindi mahirap makuha ng mga turista dayuhan man o lokal.

Ibinida rin ng presidente sa meeting na nang nagdaang taon, tumanggap ang Pilipinas ng higit 2.65 milyong dayuhang mga turista, lagpas pa sa inisyal na target na 1.7 milyon.

Dagdag pa ng pangulo, bukas ang Pilipinas para sa maraming Japanese tourists.

Facebook Comments