Sa inilunsad na dagdag kaalaman ng Department of Education (DepEd), 78 na lesson plan ang magagamit ng mga guro sa lahat ng pampublikong paaralan para sa pagtuturo kung paano maiiwasan ang rabies.
Ito ay para maibahagi umano sa mga bata kung ano ang mga dapat gawin sakaling makagat ng asong may rabies.
Ayon kay Education Assistant Secretary Salvador Malana, ang edukasyon ang magiging susi para malabanan ang naturang virus.
“Intervention at an early age is expected to empower children, their teachers and their families with the knowledge to protect themselves from bites, prevent rabies and save lives,” pahayag ni Malana.
Ang pagtuturo ay magsisimula sa kindergarten hanggang sa mga estudyanteng nasa Grade 10.
Tinatayang nasa 21 milyong mga mag-aaral ang makikinabang ng nasabing programa mula sa 45, 000 na mga paaralan sa buong bansa.
Samantala, ayon sa DepEd, nasa 200 hanggang 250 Pilipino naman ang naiuulat na namamatay sa rabies kada taon at 30 porsyento nito ay mula sa mga bata.
Ngayon ay nangangalap pa ng pondo para sa pagpapa-imprenta ng mga lesson plan upang maibahagi na sa mga paaralan.
Katuwang naman ng DepEd ang ilang mga ahensya gaya ng Global Alliance for Rabies Control (GARC), Department of Health (DOH), Department of Agriculture (DOA), at Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ang rabies ay isang nakamamatay na virus mula sa laway ng mga infected na hayop gaya ng aso.
Ito ay lubhang delikado sapagkat mabilis itong kumalat sa katawan ng taong nakakagat ng mga hayop na may rabies at nagiging sanhi ng agarang pagkamatay.