Edukasyon ng mga may kapansanan, dapat siguruhing magpapatuloy sa gitna ng COVID-19

Iminungkahi ni Committee on Education Chairman Senator Sherwin Gatchalian sa Department of Education (DepEd) na tiyakin na magpapatuloy ang edukasyon para sa mga mag-aaral na may kapansanan sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa pagbubukas ng klase, ay kabilang sa mga gagamiting paraan ng pagtuturo ang online learning, radyo, telebisyon, at mga printed packets lalo na sa mga mag-aaral na walang gadgets o internet.

Ayon kay Gatchalian, dapat gamitin din ang mga ito sa paraang angkop sa mga mag-aaral na may kapansanan.


Inihalimbawa ni Gatchalian ang mga printed packets, na maaaring gawing braille o audiobooks para sa mga may visual impairment habang mahalaga din na magkaroon ng sign language interpreters para sa mga programa sa telebisyon.

Hinimok din ni Gatchalian ang DepEd na makipag-ugnayan sa mga Local Government Units o LGUs upang masigurong ang mga mag-aaral na may kapansanan ay nakatatanggap ng mga therapy at serbisyong pangkalusugan.

Paliwanag ni Gatchalian, mahalaga ang papel ng mga health professionals, kabilang ang mga Developmental Pediatricians sa pagbuo ng mga Individualized Education Plan o IEP, kung saan naka-detalye ang sistema ng edukasyon sa isang mag-aaral na may kapansanan.

Facebook Comments