Hindi gaya ng tradisyunal na pagsusunog, pinaghahampas ng mga raliyista hanggang sa tuluyang mawasak ang effigy ni Pangulong Bongbong Marcos na ginawa para sa una nitong State of the Nation Address (SONA).
Ginawa ito ng mga miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa kasagsagan ng malakas na ulan sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
Ayon sa grupo, ang effigy na 12 talampakan ang taas ay pinamagatang “Mad in Malacañang” na parody ng pelikulang “Maid in Malacañang” na reenactment ng huling tatlong araw ng pamilya Marcos sa Malacañang bago sila napilitang lumikas sa Pilipinas noong 1986 EDSA Revolution.
Makikita sa effigy si Marcos na nakaupo sa trono at nakasuot ng party hat, bandila ng China at Amerika, mukha ng kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., at inang si dating first lady Imelda Marcos at selyo ng Republika ng Pilipinas na may mga katagang “Sagisag ng Alamano ng Pilipinas.”
Nirerepresenta ng effigy kung gaanong nakahiwalay o disconnected si Marcos sa mga krisis na nakaaapekto sa milyon-milyong mahihirap na Pilipino.
Tinukoy ng grupo ang paglulunsad nito ng tatlong party sa loob ng isang linggo niya sa opisina; hindi napunan na posisyon sa gabinete; pagtanggi sa inflation figures ng Philippine Statistics Authority; at kawalan ng komprehensibong programang pang-ekonomiya.