LALAKING NAG-AMOK NA WALA SA KATINUAN, NAPASUKO NG POSD

28
Cauayan City, Isabela- Makalipas ang ilang minutong pakikipag-usap ng mga tauhan ng Public Order and Safety Division (POSD) Cauayan sa pangunguna ng kanilang hepe na si Ret. Colonel Pilarito ‘Pitok’ Malillin at kasapi ng PNP ay matagumpay na napasuko ang isang lalaking wala sa katinuan na nag-aamok sa kahabaan at sa mga stalls sa bahagi ng Rizal Avenue, Cauayan City, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay POSD Chief Malillin, pasado alas 11:00 kaninang umaga, July 25, 2022 nang mag-amok ang nasabing lalaki bitbit ang isang itak na kinuha umano sa nagtitinda ng buko.

Napag-alaman na mula sa bayan ng Luna, Isabela ang lalaki at ilang beses na umanong nagwala sa Kalunsuran at marami na rin umanong naperwisyo.

Ayon kay Malillin, nagboluntaryo na lamang itong pangunahan ang pagresponde sa pagwawala ng lalaki lalo’t may hawak na itong gulok na pinagtataga ang ilang istante at puno ng kahoy.

Bilang proteksyon umano sa sarili at para agarang mapasuko ang nag-aamok, gumamit ng baril si POSD Chief Malillin kung saan binitawan rin ng lalaking nag-aamok ang hawak na itak.

Dito na tuluyang inaresto ang lalaki at isinakay sa patrol ng POSD.



Ayon pa kay Malillin, ipapasakamay sa mental hospital sa Tuguegarao City ang lalaki para hindi na ito uulit sa pagwawala at mailayo din sa peligro ang mga tao.

Iginiit ni Malillin na wala itong intensyon na saktan o barilin ang taong inawat sa pag-aamok.

Facebook Comments