Cauayan City, Isabela- Pormal nang nagtapos ang Eid’l fitr o Ramadan ngayong araw sa Lungsod ng Cauayan bilang bahagi ng tradisyunal na pagpapasalamat sa biyaya ng Panginoong Allah sa mga kapatid na Muslim.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Dawud Bucaling, Guro ng Islam sa Lungsod ng Cauayan, aniya ang pagtatapos ng ramadan ay sumesentro sa pagpapasalamat sa biyaya na kanilang natatangap mula sa kinikilala nilang Panginoon na si Allah.
Dagdag pa ni Ginoong Bucaling na isang tradisyunal na kanilang ginagawa ay ang pagbabahagi ng mga consumable goods gaya ng bigas, asukal at ibibigay nila sa mga kapatid na muslim na hirap sa buhay.
May kabuuan namang 1,000 na miyembro ng Muslim sa lungsod batay sa pagtala ni Ginoong Bucaling.
Aniya, Ilan sa mga ipinagbabawal sa tradisyon ng Islam ay ang pagpatay, pangkukulam, pangangalunya, pag inom ng alak, pagsusugal at pagtatakwil sa miyembro ng pamilya. Samantala, ipinagbabawal din ang pagkain ng Karne ng Baboy at Dugo. Ito ay labag sa batas ng Islam
Nanawagan naman si Ginoong Bucaling sa mga kapatid na Muslim na sundin ang mga ipinagbabawal at sumamba lamang sa kanilang diyos na si Allah.