Manila, Philippines – Makapamumuhay lamang ng mapayapa ang bawat Filipino sa oras na matutuhan ng bawat isa ang tunay na paggalang sa karapatan, dignidad at kahulugan ng buhay.
Ito ang paglilinaw ni Archdiocese of San Fernando Pampanga Archbishop Emeritus Paciano Aniceto sa patuloy na drug related killings at extra judicial killings sa bansa.
Ayon sa Arsobispo ang mga serye ng karahasan ang pangunahing sumisira sa kapayapaan at kaayusan ng bansa.
Hinimok ng Arsobishop Aniceto ang mga mananampalataya na ipanalangin hindi lamang ang mga pinuno kundi lahat ng mamamayan na mamuhay na mapayapa sa pamamagitan ng paggalang sa dignidad, sa karapatan at sa tunay na kahulugan ng buhay na banal na handog ng Diyos.
Ang gift of life aniya ay hindi maaaring palitan.
Sa pinakahuling survery ng Social Weather Stations SWS 54-na-porsiyento ng mamamayan ang naniniwalang hindi tunay na nanlaban sa mga pulis ang mga namatay sa gitna ng anti-illegal drugs operation ng PNP habang 49-na-porsiyento naman ng mga Filipino ang naniniwalang pawang mga inosente ang napatay ng mga alagad ng batas sa war on drugs ng pamahalaan.
Bukod dito lumabas rin sa isinagawang pagsusuri na 9 sa 10 mga Filipino ang naniniwalang mahalagang mahuli ng buhay ang mga drug suspek.