Ekonomiya at patuloy na pagkalat ng COVID 19, mas dapat tutukan ng pamahalaan

Iginiit ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa pamahalaan ang pangangailangan na mas pagtuunan ang paghanap ng paraan para mapigilan ang tumitinding pagkalat ng COVID-19 at ang epekto ng mabagal na pag-usad ng ekonomiya.

Mensahe ito ni Pangilinan sa harap ng mahigit isang libo at mahigit dalawang libo na nadagdag sa kaso ng COVID-19 sa bansa sa mga nakalipas na araw.

Diin ni Pangilinan, halos apat na buwan na simula ng unang quarantine period noong Marso pero wala pa ring komprehensibong plano ang gobyerno para mapababa ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 at lalo pa itong tumataas.


Giit ni Pangilinan, hindi na natin makakaya pa na mas marami pang mamamatay, magkakasakit, at mawawalan ng trabaho, gayundin ang pagpapatupad muli ng malawakang hard lockdown na muling magpapasara sa ating ekonomiya.

Kaugnay nito ay hiniling din ni Pangilinan ang paglalabas ng tunay at importanteng mga datos sa testing, validation, generation of results, contact tracing, positive cases, recovery rates, isolation areas, at quarantine situation.

Ayon kay Pangilinan, ang mga datos na ito ang magiging basehan ng mga pagtugon ng mga lokal na pamahalaan at ng national government sa COVID-19 crisis.

Facebook Comments