Inihayag ni Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez III na lubhang maaapektuhan ang lagay ng ekonomiya ng bansa sakaling magpatupad ulit ng lockdown para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay Dominguez, sakaling magpatupad pa ng lockdown ay posibleng mawalan na ng trabaho ang karamihan at mas lalo pang dumami ang mahihirap na Pilipino.
Aniya, kailangan ng pumasok sa trabaho ang publiko upang magkaroon ng panggatos hindi lamang sa sarili maging sa kanilang pamilya.
Kasabay nito, iminungkahi rin ng kalihim sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Mines and Geosciences Bureau (MGB) na buksan na muli ang mining industry sa mga rural areas upang magkaroon na rin ng trabaho ang ibang mga Pilipinong nawalan ng pagkakakitaan dahil sa COVID-19 pandemic.
Samantala, hinihimok ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) ang gobyerno na payagan ng makabiyahe ang lahat ng pampublikong transportasyon para magkaroon ng masasakyan ang mga papasok sa trabaho.
Iginiit ni Sergio Ortiz-Luis Jr., Presidente ng ECOP na malaking problema pa rin ang public transport lalo na’t marami ang hindi makapasok sa trabaho kung saan hindi naman ito isang “rocket science” na aayusin pa ang mga linya at ruta kaya’t nararapat na ibalik na lang muna ang dating biyahe at saka ayusin upang hindi mahirapan ang publiko.