Mas mabagal ang naging paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa second quarter ng 2022.
Sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) ngayong araw, lumago sa 7.4% ang gross domestic product (GDP) ng bansa mula Abril hanggang Hunyo.
Pero mas mababa ito sa 8.2% na paglagong naitala sa unang quarter ng taon at sa 12.1% na naitala sa kaparehong panahon noong 2021.
Ang GDP ay ang kabuuang halaga ng mga produkto at serbisyong nagawa sa isang partikular na panahon.
Samantala, ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, bagama’t hindi kasing bilis sa unang quarter ang GDP growth rate ngayong ikalawang quarter ay kumpiyansa siyang pasok sa target na 6.5% hanggang 7.5% ang magiging kabuuang paglago ng ekonomiya ng bansa para sa taong 2022.