Mga eksperto, may babala sa mandatory SIM Card registration

Nagbigay ng babala ang mga eksperto na ang panukalang SIM card registration ay maaaring banta sa free speech at privacy.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senator Grace Poe, sinabi ni Engineer Pierre Galla, founder ng internet at ICT rights advocacy group na Democracy.Net.Ph, dapat mag-ingat ang pamahalaan sa pagpapatupad ng SIM registration.

Bagamat may 155 bansa ang nag-adopt ng mandatory SIM registration, tingin ni Galla na ang panukala ay magiging “useless” at magiging dagdag na problema lamang.


Idinagdag pa ni Galla, ang mandatory SIM registration ay nakatulong sa mga bansang ginagamit ito para sa mobile commerce at mobile governance, pero hindi sa pagpuksa sa krimen.

Inihalimbawa ni Galla ang nangyari sa Mexico kung saan binawi nila noong 2012 ang kanilang batas para sa SIM registration na ipinasa noong 2009 dahil hindi ito epektibo at lumikha lamang ng mga ilegal na aktibidad gaya ng black market SIM trading, SIM cloning, SIM spoofing, at pagnanakaw ng mga mobile phones.

Naghayag na rin aniya ang European Commission ng European Union na walang naibibigay na benepisyo ang SIM registrations sa criminal investigations.

Inaabuso din ito ng mga gobyerno at law enforcement agencies para magsagawa ng surveillance at monitoring para sa political, religious at maging ethnic at racial persecution.

Para naman kay National Privacy Commission Privacy Policy Office Director Ivy Grace Villasoto, ang mandatory SIM registration ay maaari lamang magresulta ng pagtaas ng insidente ng data breach at panghihimasok sa privacy ng mga tao sa bansa.

Hindi rin masasama dito ang mga vulnerable groups at remote individuals na walang kakayahang iparehistro ang kanilang SIM cards.

Depensa naman ni Senator Sherwin Gatchalian na siyang naghain ng Senate Bill No. 176, kailangang iparehistro ang SIM cards para mapigilan ang mga krimen tulad ng online fraud, scams, at iba pang organized crimes na gumagamit ng anonymous prepaid phone numbers.

Suportado ng Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) ang proposal.

Maging ang mga telecommunication companies – Globe, Smart at Dito ay ikinagagalak din ang panukalang batas, pero nakiusap sila sa mga mambabatas na ikonsidera ang ilang hamon sa pagpapatupad nito.

Malaki anila ang tulong ng SIM registration lalo na sa digital at financial inclusion.

Isinusulong din nito ang pag-unlad ng e-commerce sector.

Ang bersyon ng panukala nito sa Kamara ay lusot na sa ikatlo at huling pagbasa.

Facebook Comments