Panawagan ngayon ni outgoing Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Guillermo Eleazar sa lahat ng myembro ng PNP na magkaisa na suportahan ang magiging susunod na PNP Chief na si PLt. Gen. Dionardo Carlos.
Ayon kay Eleazar taglay ni Carlos ang lahat ng kwalipikasyon para sa pinakamataas na posisyon sa PNP, at nakita ng pangulo sa kanya ang lahat ng “criteria” na hinahanap niya sa isang PNP chief.
Qualifed aniyang pamunuan ni Lt. Gen. Carlos ang PNP batay sa kanyang seniority, merit at personal competence.
Dagdag pa ni Eleazar na si Carlos ang naging instrumento ng pagsulong ng Intensified Cleanliness Policy sa PNP.
Binati naman ni Eleazar si Carlos sa kanyang promosyon, kasabay ng pag-alok ng anumang maitutulong niya bilang dating hepe ng Pambansang Pulisya.
Si Eleazar ay bababa sa pwesto ngayong Biyernes, Nobyembre 12, isang araw na mas maaga sa kanyang mandatory retirement sa Sabado pagsapit ng kanyang ika-56 na kaarawan.