Cauayan City, Isabela- Bineberipika ngayon ng Social Welfare and Development office sa Tabuk City hinggil sa naipasamang mga pangalan ng mga opisyal ng gobyerno sa ilalim ng *Pantawid Pamilyang Pilipino* Program o 4Ps.
Sa pahayag ni Ritz Aquino, Social Welfare Officer III ng 4Ps program, ito ay makaraang lumabas ang resulta sa ginawang cross matching ng Department of Interior and Local Government (DILG) list of personnel sa ilalim ng Pantawid database nitong May 31 kung saan 312 na opisyal ang kasama sa listahan ng 4Ps.
Kinabibilangan ito ng mga barangay secretary, barangay treasurer, punong barangay, *sangguniang bayan* member, *sangguniang barangay* member at SK chairperson.
Batay naman sa cross matching sa Department of Education (DepEd) at Bureau of Fire Protection (BFP) nitong June 8, napag-alaman na 76 na DepED at 4 na BFP personnel mula sa Kalinga ang nabenepisyuhan mula sa programa.
Ayon pa kay Aquino, upang maalis sa listahan ang mga hindi karapat-dapat na pamilya ay ipinag-utos nito ang pagberipika sa karapatan ng mga ito sa programa.
Nagsasagawa na ngayon ng balidasyon ang ahensya sa ilalim ng Grievance Redress System.
Giit pa ng opisyal, target na malinis ang database bago ang Compliance Verification generation para sa Period 3 ng taong 2020, at upang maibigay ang resulta ng validation sa Department of Social Welfare and Development.