Pinakikilos na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Philippine National Police (PNP) para gawin ang mga hakbang tuwing eleksyon, pangunahin ang pagtukoy sa mga hotspot o mga lugar na mataas ang kaso ng karahasan.
Ang deriktibang ito sa PNP ay inilahad ni Pangulong Marcos kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos matapos ang magkakasunod na insidente ng pagpaslang o pananambang sa mga elected officials kung saan pinakahuli ay ang pamamaril na ikinasawi ni Negros Oriental Governor Roel Degamo at iba pang katao.
Diin ni Pangulong Marcos, hindi katanggap-tanggap ang pagpatay kay governor Degamo at sa ibang pang biktima kaya dapat agad mapanagot sa batas ang mga salarin.
Ayon kay Pangulong Marcos, bukod sa pagpapataas ng presenya ng pulis sa hotspots ay dapat ding hanapin ang pinagmumulan ng mga iligal na baril na ginagamit sa pananamabang o krimen, at maging ng private army.
Nais din ng pangulo na ma-dismantle o malansang ang mga matutukoy na private armies.