Election period para sa Barangay at SK elections, iniurong; Paghahain ng COC, ipinagpaliban din

Manila, Philippines – Nagpasya ang Commission on Elections o COMELEC na iurong ang election period para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.

Nauna nang itinakda ng COMELEC En Banc sa September 23 hanggang October 30, 2017 ang Election period.

Pero kinumpirma ni COMELEC Chairman Andres Bautista na napagpasyahan ng mga miyembro ng Commission En Banc na iurong ang election period sa October 1 hanggang October 30.


Ito ay para umano mabigyan ng pagkakataon ang Kongreso na maipasa ang panukalang pagpapaliban sa Barangay at SK Elections na nakatakda nang idaos sa October 23.

Dahil sa nasabing pagbabago, sinabi ni Bautista na mauurong din ang pagpapatupad ng mga prohibited acts sa panahon ng election period.

Mula October 1 hanggang October 30, ipagbabawal ang pagdadala ng baril at patalim; paggamit ng mga security personnel o bodyguard ng mga kandidato; maglipat ng mga opisyal at empleyado na nasa Civil Service kabilang na ang mga public school teacher; magsuspindi ng alinmang elective provincial, city, municipal o barangay officer.

Ang paghahain naman ng Certificate of Candidacy o COCna naunang itinakda sa September 23 hanggang September 30, ay iniurong sa October 5 hanggang October 11.

Facebook Comments