Wala pang legal na basehan para kanselahin ng Commission on Elections (COMELEC) ang Barangay and SK Elections ngayong buwan ng Oktobre 2017. Ipinahayag ito ni Atty. Alex Marpori, Elections Officer ng bayan ng Calabanga, Camarines Sur at siya ring tumatayong tagapagsalita ng COMELEC Camarines Sur. Ito ay sa kabila ng desisyon galing sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na nagsasabing palawigin pa ang termino ng mga incumbent Barangay Officials hanggang sa taong 2018. Bunga nito, patuloy sa paghahanda ang COMELEC at nakatakda pa nga nitong pasimulan ang pag-imprinta ng mga election materials ngayong linggo. Bagama’t alam ng pamunuan ng COMELEC na ‘decided na in-principle’ sa House of Representatives ang pagkansela ng election, ito ay plano pa lamang at hindi pa isang batas, kung kaya’t hindi rin nila ito pwedeng gawing basehan para magdeklara ang COMELEC na ganap na ngang kanselado ang botohan sa Oktubre. Binigyang diin din ni Marpori na obligado ang COMELEC na gawin ang nararapat na preparasyon kaugnay ng nakatakdang election sa Oktubre dahil sa kawalan ng batas na nagpapawalang bisa rito.
Si Marpori ay nakapanayam ng RMN DWNX 1611 kahapon ng umaga. Sa nasabing interview, nilinaw din ni Marpori na ang desisyon ng Kongreso ay patungkol lamang sa pagpapaliban ng election at patuloy na panunungkulan ng mga incumbent Barangay Officials “in a hold-over capacity”.
– Kasama Mo sa DWNX 1611 Balita, Paul Santos / Grace Inocentes – TATAK RMN!
Election Preparations, Tuloy – COMELEC CamSur
Facebook Comments