ELECTION PROTEST | OSG, iginiit na walang batayan ang apela ni VP Leni Robredo

Manila, Philippines – Kinatigan ng Office of the Solicitor General (OSG) ang naunang resolusyon ng Presidential Electoral Tribunal (PET) na nagsasabing walang batayan para bilangin bilang lehitimong boto ang 25-percent threshold o one-fourth na shading sa balota.

Ginawa ng OSG ang posisyon sa isinumite nitong manifestation and motion sa PET bilang abugado ng Commission on Elections (COMELEC) na nauna nang inatasan ng PET na magkumento sa apela ni Vice President Leni Robredo na kilalanin bilang lehitimong boto ang one-fourth shading sa balota.

Sa 21-pahinang mosyon, iginiit ng OSG na hindi maaring kwestiyunin ang desisyon ng PET na may legal authority sa ilalim ng konstitusyon na magpasa ng panuntunan sa mga electoral protest sa pagitan ng mga kandidato sa pagka-presidente at bise presidente.


Magkaiba rin anila ang random manual audit sa election protest, kaya tama ang PET nang ideklara nito na walang panuntunan na pagbabatayan ng 25-percent threshold pagdating sa mga protestang pang-eleksyon.

Naniniwala rin ang OSG na hindi mapagkakaitan ng kanilang karapatan ang mga botante sa pagpapatupad ng 50-percent threshold.

Facebook Comments