May agam-agam ang elections lawyer na si Atty. Romulo Macalintal sa plano ng Commission on Elections na mail-in voting para sa mga senior citizens at Persons with Disabilities (PWDs) sa nalalapit na 2022 elections dahil pa rin sa banta ng COVID-19.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Macalintal na duda siya kung paano matitiyak ng COMELEC na walang magaganap na dayaan sa pagpapatupad ng postal voting para sa mga senior citizens at PWDs.
Kinuwestyon din ni Macalintal ang effectivity ng postal system sa bansa at isa rin aniyang paglabag sa biometric law ang voting by mail.
Payo ng election lawyer sa COMELEC, mas magandang maglaan na lang ng special day o isama sa Local Absentee Voting ang mga senior citizens at PWDs.
Una nang iginiit ng COMELEC na matagal nang ipinapatupad ang postal voting o mail-in-voting para sa mga OFWs at pwede rin aniya itong ipatupad para sa domestic voting sa gitna ng banta ng COVID-19.
Bukod dito, bumabalangkas na rin ang COMELEC ng iba pang alternatibong paraan para makaboto kagaya na lamang ng online voting.