Cauyan City – Dumating na sa lalawigan ng Nueva Vizcaya ang mga Electric Coops upang maibalik ang suplay ng kuryente sa buong probinsiya matapos masira ang mga poste sa 15 bayan dahil sa hagupit ni bagyong Pepito.
Ayon kay Fredel Salvador, General Manager ng NUVELCO, malaki ang maitutulong ng limang team mula sa Ilocos Sur Electric Cooperative, Ilocos Norte Electric Cooperative, Pangasinan 1, Pangasinan 3, at Central Pangasinan Electric Cooperatives sa ilalim ng Task Force Kapatid.
Sa inilabas na bulletin ng NUVELCO, naibalik na ang supply ng kuryente sa 13 bayan, kabilang ang Bayombong na may 76.63%, Solano na may 78.48%, at Quezon na may pinakamataas na porsyento na 84.11%. Samantala, nasa 58.80% na ang Bambang, 60.42% ang Bagabag, 59.99% ang Dupax del Norte, at 54.53% ang Sta. Fe.
Nananatiling mababa ang porsyento sa ibang bayan tulad ng Kayapa na may 24.40%, Diadi na may 23.80%, at Dupax del Sur na nasa 32.15%.
Sa kasalukuyan, hindi pa rin naibabalik ang kuryente sa Alfonso Castañeda at Ambaguio, na parehong nasa 0%.
Ipinaliwanag ni GM Salvador na kanilang inuna ang mga centro ng bawat bayan upang masiguro ang tuloy-tuloy na operasyon ng mga command center na tumutulong sa koordinasyon at pagresponde sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Samantala, umaasa ang NUVELCO na mas mapapabilis ang power restoration sa nasabing lalawigan.