Quezon, Isabela – Matagumpay na naaresto ng mga otoridad ang isang electrician na may kasong paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act matapos na nagtago sa Brgy. Lepanto, Quezon, Isabela.
Sa pakikipag-ugnayan ng RMN Cauayan kay Police Senior Inspector Dennis Matias, hepe ng Quezon Police Station, sinabi niya na ang akusado ay kinilalang si Ernesto Hilario Almonte, limampu’t dalawang taong gulang, may asawa, tubong nakatira sa #33 Saint Vicente Street, Brgy. Holy Spirit, Quezon City at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Lepanto, Quezon, Isabela.
Aniya, ipinarating umano ng naging nakainuman ni Almonte ang umanoy kasong kinasangkutan nito sa Quezon City kaya’t nagsagawa umano ng beripikasyon ang pamunuan nito at naging positibo ang hinggil kay Almonte.
Giit pa ni Police Senior Inspector Matias na kaagad ding isilbi ang warrant of arrest ni Almonte na ipinalabas ni hukom Elvira DC Panganiban ng RTC Branch 227 ng Quezon City na may nairekomendang piyansa na sampung libong piso (Php10,000.00).
Samantala, nasa himpilan na ng PNP Quezon ang akusado kung saan ay maaring humingi umano ng tulong ang PNP Quezon sa LGU para madala sa court of origin ang akusado.