Electrician na tumangay ng mahigit P10 milyong halaga ng alahas, arestado sa Quezon City

Nahulog sa mga kamay ng awtoridad ang isang lalaking sangkot sa pagnanakaw sa isang bahay sa Quezon City.

Kinilala ang suspek na si alyas ‘Mike’, 36-anyos, isang electrician.

Base sa kwento ng biktima, habang nire-renovate ang kaniyang bahay sa Brgy. Toro, Quezon City, napansin nito na nawawala na ang kaniyang mga mamahaling gamit.


Dumulog ang biktima sa pulisya at natunton ang mga nanakaw na gamit sa Abeerdeen St. sa nasabing barangay sa tulong ng tracking device.

Agad na nagkasa ng surveillance ang mga pulisya dahilan para mahuli si alyas ‘Mike’ na isa palang trabahador ng biktima.

Narekober mula sa kaniya ang mga alahas na nagkakahalaga ng mahigit P10 milyong, pistol na may dalawang magazine na naglalaman ng 19 na bala, resibo mula sa remmitance, at isang kotse.

Reklamong Qualified Theft ang kasong isasampa laban kay alyas ‘Mike’ habang nananatili sa kustodiya ng Project 6 Police Station.

Facebook Comments