Electrician, patay sa pamamaril sa Makati City

Makati City – Dead-on-Arrival sa Makati Medical Center ang 39-anyos na electrician na si Rey Castillo matapos magtamo ng mga tama ng bala matapos pagbabarilin sa Brgy. Olympia, Makati City.

Batay sa salaysay ng kaibigan ng biktima, nag-iinuman sila ni Castillo sa kanilang bahay sa kanto ng Kalayaan at Olympia Street nang pagbabarilin ito ng suspect na nakasuot ng bull cap.

Matapos ang pamamaril, hinabol pa ng mga kapitbahay ang suspect na tumakas sakay ng motorsiklo.


Pinaputukan pa ng suspect ang mga humabol, pero maswerte namang walang ibang tinamaan.

Ayon sa kaibigan ng biktima, posibleng napagkamalan lamang ang biktima dahil hindi naman ito gumagamit o nagtutulak ng droga.
Nakuha sa crime scene ang limang basyo ng 9mm.

Facebook Comments