Tuluy-tuloy pa rin ang pamamahagi ng gobyerno ng cash assistance sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, hangga’t hindi nauubos ang ibinigay na P205 bilyon na pondo ng Kongreso para sa SAP ay tuloy pa rin ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga low income families.
Pero dahil natuto na ang gobyerno, may ipatutupad silang pagbabago sa distribusyon ng SAP assistance sa 2nd tranche.
Nilinaw ni Roque na tanging ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng SAP na nakatira sa mga lugar na pasok sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang tanging makakatanggap ng 2nd tranche ng SAP.
Umaabot sa 13 milyong mahihirap na pamilya ang makatatanggap ng lima hanggang walong libong pisong financial aid.
Paliwanag ng kalihim, hindi na kasali sa mabibiyayaan ng 2nd tranche ng SAP ang mga nakatira sa General Community Quarantine (GCQ) dahil maaari na silang makapag trabahong muli.
Sa ngayon, inuumpisahan na ang pamamahagi ng 2nd tranche ng SAP basta’t maipasa lamang ng mga Local Government Units (LGUs) ang liquidation sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng unang bahagi o tranche ng SAP distribution.