*Cauayan City, Isabela- *Maituturing na mapayapa at maayos ang pagtatapos ng eleksyon sa Lungsod ng Cauayan.
Ito ang inihayag ni Atty. James Ramos sa naging panayam ng 98.5 RMN Cauayan sa kanya.
Aniya, wala namang naitala na hindi kanai-nais sa mismong araw ng eleksyon at mas maganda anya halalan ngayon dahil naging aktibo na anya ang mga botante sa Lungsod kumpara sa mga nagdaang halalan.
Bagamat mayroong dalawa na nag malfunction sa mga ginamit na Vote Counting Machine (VCM) ay agad naman itong natugunan kaya’t hindi naantala ang pagboto ng mga botante.
Ilan kasi sa mga botante ay gumamit ng ibang marking pen dahilan upang maapektuhan ang optical mark reader ng VCM.
Dagdag pa ni Atty. Ramos ay wala umanong boto ng mga botante ang hindi nabilang matapos ang replacement ng nasa mahigit isang daang balota na hindi tinanggap ng mga VCM.
Nanawagan naman ito sa mga nahalal na opisyal sa Lungsod na tuparin ang kanilang mga pangako at pagsilbihan ang mga Cauayeño.