Cauayan City, Isabela- Pansamantalang naudlot ang eleksyon ng Philippine Councilor’s League (PCL) matapos umanong magkaaberya ang gagamitin sanang machine para sa naturang botohan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Councilor Bong Siquian ng Benito Soliven, Isabela, isa sa mga board of Director ng PCL Region 2, pinagpasyahan aniya ng National board na ideklarang ‘failure of election’ ang nakatakda sanang botohan ng PCL.
Ayon sa konsehal, natuklasan ng kanilang grupo na iisang pangalan lamang ang lumalabas sa resulta matapos subukang bumoto ng tatlong beses ng kanilang kasamang abogado.
Magkatunggali sa posisyong pagka-presidente sina Councilor Jessel Richard Salceda at Doc Danny Dayanghirang.
Dagdag dito, nagtataka rin si Councilor Siquian na sa kabila ng matagal na panahon ay hindi ito inayos at sinuri ng mga experto.
Gayunman, hinihintay na lamang ang panibagong schedule ng kanilang eleksyon sa loob ng 60 araw.
Pinabulaan din ng naturang opisyal ang haka haka na nagkaroon ng bayaran sa mga konsehal bilang kapalit ng kanilang boto para kay Salceda.