Eleksyon sa 2022, dapat na ituloy kahit may pandemya – minorya

“May pandemya o wala, tuloy ang eleksyon”.

Ito ang binigyang diin ni House Minority Leader Joseph Stephen “Caraps” Paduano kasabay ng mariing pagtutol nito sa posibilidad ng No-El (No Election) scenario sa susunod na taon dahil sa pandemya.

Giit ni Paduano, hindi dapat maging hadlang ang COVID-19 pandemic sa karapatan ng mga Pilipino para makapamili ng mga napipisil na lider.


Naniniwala rin ang minority leader na ang latest Pulse Asia survey kung saan 46% ng mga Pilipino ay handang laktawan ang 2022 election sakaling seryosong banta pa rin ang pandemya ay nagpapakita lang ng kagustuhan ng mga tao at hindi ang kanilang magiging desisyon o gagawin sa mismong halalan.

Ipinapakita lamang aniya ng survey na pipiliin ng mga tao na hindi bumoto pero tiwala ang kongresista na lalabas pa rin ang mga botante sa araw ng eleksyon para suportahan ang kanilang mga kandidato.

Ipinunto rin ni Paduano sa mga voter na maraming nawalan ng mahal sa buhay at hanapbuhay dahil sa health crisis, ngunit hindi aniya dapat payagan na pati ang karapatang bumoto ay mawawala rin.

Aniya, tiniyak naman sa atin ng Commission on Election (COMELEC) na makahahanap ito ng paraan upang maituloy ang electoral process sa kabila ng takot sa pandemya.

Facebook Comments