Naglabas ng abiso ang Embahada ng Pilipinas sa Israel sa mga Pilipino roon na iwasan munang magtungo sa West Bank at ilang bahagi ng Jerusalem hanggang sa May 3.
Ito dahil sa nagpapatuloy na tension sa mga nasabing lugar.
Sa nasabing abiso, pinag-iingat ng embahada ang mga Pilipino sa pagpunta sa Bethlehem, Jericho, Hebron, Temple Mount, Damascus Gate, Herod’s Gate, Al Wad Road, Musrara Road at sa bahagi ng East Jerusalem.
Inabisuhan din ang mga Pilipino roon na iwasan o ipagpaliban muna ang pagbisita sa Golan Heights at sa mga lugar na malapit sa border ng Lebanon at Gaza.
Nabatid na nagpapatuloy ang tension sa pagitan ng Palestinians at Israeli security forces matapos silang magkasagupa sa pasukan sa Al-Aqsa Mosque sa Jerusalem’s Old City.
Naglunsad din ang Israel ng mga airstrike bilang tugon sa pagpapakawala ng rockets ng Gaza.
Samantala, inabisuhan din ng embahada ang mga Overseas Filipino na agad magtago o tumakas kapag sumiklab ang gulo sa Israel at iwasang kumuha ng video o larawan sa nangyayaring bakbakan.