Pansamantalang isasara ang Embarcadero Bridge sa Mangaldan, Pangasinan mula Oktubre 15 hanggang 21.
Noong Lunes, nagpulong ang mga opisyal mula sa mga kalapit-bayan upang talakayin ang pagkukumpuni ng tulay, kung saan ipagpapatuloy ang phase 2 ng Bridge Widening Project ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon sa ahensya, inaasahang matatapos ang phase 2 ng proyekto sa loob ng pitong araw.
Dahil dito, inilatag ang mga alternatibong ruta sa San Jacinto–San Fabian–Mangaldan Road para sa mga biyaherong manggagaling sa San Jacinto at Manaoag patungong Mangaldan.
Bukod dito, pinahihintulutan pa rin ng DPWH ang pagdaan ng mga emergency vehicles tulad ng mga firetruck at ambulansya habang ipinatutupad ang pansamantalang pagsasara ng tulay.









