Emergency alerts at iba pang disaster-related information, ipinasasalin sa wikang Filipino at regional dialects

Inirekomenda ni Senator Jinggoy Estrada na isulat sa wikang Filipino at sa regional dialects ang mga emergency alert at iba pang disaster-related information kaugnay sa kalamidad.

Ito ay para matiyak na mauunawaan ang mga impormasyong inilalabas ng gobyerno at makatawag ng atensyon ng publiko kaugnay sa kalamidad para na rin maprotektahan ang kaligtasan at kalusugan ng mga Pilipino.

Bukod dito, kung sa salitang madaling maiintindihan ang gagamitin ay madali ang kooperasyon at pagtugon sa pangangailangan ng mga mamamayang maapektuhan ng disaster at emergency.


Sa ilalim ng Senate Bill 680 na tatawaging “Language Accessibility of Public information on Disasters Act” ay inaatasan ang lahat ng mga ahensya ng gobyerno at mga Local Government Unit (LGU) na isalin sa Filipino o dayalekto na gamit sa rehiyon ang mga announcement, advisories, press releases, at iba pang impormasyon kaugnay sa disaster o emergency.

Kabilang dito ang mga impormasyon tungkol sa bagyo, pagsabog ng bulkan, epidemya, outbreaks ng sakit, infestation at iba pang public health emergencies gayundin ang human security concerns, emergency assistance ng gobyerno at mga social protection measure.

Maglalaman din ang mga alert, advisory at announcement ng lawak ng pinsala at epekto nito hanggang sa barangay level.

Facebook Comments