Fully operational na ulit ang emergency hotline 911 ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ito’y matapos makarekober ang ilang tauhan ng National Call Center (NCC) na tinamaan ng COVID-19.
Sa isang pahayag ni DILG Secretary Eduardo Año, nagpasalamat siya sa umunawa sa sitwasyon lalo na’t hindi basta-basta ang trabaho ng mga naka-pwesto sa National Call Center.
Matatandaang noong Agosto nang inanunsyo ng DILG ang pansamantalang pagsasara ng NCC matapos magpositibo ang limang emergency call center agent sa virus.
Lahat ng emergency telecommunicator ng NCC ay sumailalim sa home quarantine habang nagsagawa na rin ng contact tracing, disinfection at nagkabit na rin ng mga ventilation.
Ang 911 hotline ay nagbibigay ng mga police, fire at emergency medical assistance kasama rin ang search and rescue operation.