Naniniwala si Infectious Diseases Expert Dr. Rontgene Solante na napapanahon na upang alisin na rin ang emergency label ng COVID-19 sa Pilipinas.
Pahayag ito ni Dr. Solante makaraang ideklara ng ibang mga bansa na tapos na ang emergency ng COVID-19, ngunit kinikilala pa rin nila ang pagpapatuloy ng pandemya.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Dr. Solante na maaari na rin itong ikonsidera sa Pilipinas, lalo’t nananatili nang mababa ang COVID cases sa bansa.
Bukod dito, nariyan na rin aniya ang mga bakuna at ang mga antiviral medicines laban sa COVID-19.
Ayon pa kay Dr. Solante, maaari na rin itong matalakay ng susunod na administrasyon upang makapag-move on na ang bansa at itrato na lamang ang COVID bilang isang endemic.
Ang mahalaga naman aniya sa usaping ito ay magpatuloy pa rin ang pagsunod ng publiko sa heath protocols at manatiling available ang mga bakuna at gamot, maging ang pagiging bukas ng mga ospital para sa mga pasyente.