Patuloy na nakatutok at naka-monitor sa ngayon ang Emergency Operations Center (EOC) ng lokal na pamahalaan ng Maynila.
Ito’y kaugnay sa masamang lagay ng panahon bunsod ng Bagyong Henry na siya ring nagpapalakas ng hanging habagat.
Ang buong lungsod ay maigting na mino-monitor ng Emergency Operations Center para makita ang sitwasyon sa kada bahagi ng Maynila at ang kalagayan ng Manileño sakaling kailanganin ng tulong kaugnay sa nasabing mga pag-ulan.
Ang EOC ang siyang nakatalagang magbigay ng mga pangunahing impormasyon sa publiko patungkol sa mga kaganapan sa lungsod.
Agad silang makikipag-ugnayan sa tanggapan ni Mayor Honey Lacuna-Pangan maging sa opisina ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO).
Patuloy rin ang EOC sa pagbibigay ng mga abiso patungkol sa magiging lagay ng panahon na siya namang inaanalisa ng Research and Planning Division ng Manila LGU.