Cauayan City, Isabela- Itinaas na kagabi, Oktubre 9, 2021 sa “Blue Alert” status ang Emergency Operations Center sa Nueva Vizcaya dahil sa posibleng epekto ng dalawang sama ng panahon dulot ng Tropical Storm ‘Maring’ at Tropical Depression ‘Nando’.
Alinsunod ito sa Memorandum no. 21 na inilabas ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC).
Bukod dito, inatasan na rin ang lahat ng Municipal DRRMO na isailalim sa blue alert status ang mga bayan.
Pinababantayan naman ang lahat ng lebel ng tubig sa mga ilog at mga bulubunduking lugar sa lalawigan dahil sa posibleng landslides at flashfloods sa mga low-lying areas.
Kailangan namang masiguro na masusunod ang health protocol kung sakaling magkaroon ng paglikas sa mga residenteng maaapektuhan ng kalamidad.
Samantala, mananatili naman sa red alert status ang mga operations center sa banta ng COVID-19.