Ilalaan na lamang ng Philippine General Hospital (PGH) ang kanilang emergency room (ER) para sa mga pasyenteng may kritikal na kaso ng COVID-19 at mga non-COVID-19 patients.
Ayon sa tagapagsalita ng PGH na si Dr. Jonas del Rosario, halos napupuno na ng non-COVID patient ang kanilang ER.
Dahil dito, lilimitahan at ilalaan na lamang ito para sa mga COVID at non-COVID patient na nasa kritikal ang kaso.
Aniya, sunod-sunod ang pagpasok ng mga non-COVID patient sa kanilang ER matapos na maglaan sila ng mga karagdagang ward kasunod ng bahagyang pagbaba ng kaso ng COVID-19.
Bagama’t kanilang ilalaan ang ER para sa mga kritikal na kaso, tatanggap pa rin ang PGH ng mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.
Sinabi pa ni Del Rosario na ang ibang mga pasyenteng hindi na-admit ay kanila munang inilalagay sa waiting list habang ang iba naman ay inililipat sa ibang hospital para mabigyan pa rin ng agarang atensyong medikal.