Emergency SMS, naipadala umano sa mga lugar na dinaanan ng Bagyong Odette; pagpapadala ng text messages tuwing kalamidad, hiniling na palawakin

Tiniyak ng Office of Civil Defense (OCD) na nakapagpadala sila ng disaster emergency SMS sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Odette.

Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, nakwestyon ni Bayan Muna Partylist Rep. Ferdinand Gaite kung nakapagpadala ba ng SMS o text message warning sa mga kababayang nakatira sa lugar na tinamaan ng super bagyo.

Giit ni Gaite, napakaimportante ng maagang pagpapadala ng mensahe tuwing may ganitong kalakas na bagyo upang makalikas agad at makapagligtas ng maraming buhay.


Kinumpirma ni OCD Director Tecson Lim na nakapagpadala sila ng text messages ilang araw bago tumama ang bagyo.

Maski sa mismong araw na nag-land fall at patuloy ang pananalasa ng bagyo ay nagpadala rin sila ng multiple messages sa mga biktima ng kalamidad.

Paliwanag ni Tecson, hindi lamang nakatanggap ng mensahe ang mga taga-Metro Manila o iyong mga lugar na hindi binagyo dahil location-based ang focus ng pagpapadala ng mensahe.

Tinukoy naman ni Gaite na mahalaga rin na mapadalhan ng text messages maski ang mga lugar na wala sa “track” o tinatahak ng bagyo upang makapaghanda rin sila lalo na kung may mga kaanak na nakatira sa lugar na tatamaan ng kalamidad.

Aminado naman si Tecson na minsan ay mayroon lamang delay sa pagpapadala ng mensahe hindi lang tuwing may bagyo maging tuwing may lindol dahil nagkakaroon ng lag o pagkaantala sa mismong system ng mga service providers.

Facebook Comments