*Cauayan City, Isabela-* Kasalukuyang nagpapagaling sa isang pagamutan ang isang empleyado ng bangko matapos sumalpok ang minamanehong kotse sa kasalubong na dumptruck kahapon sa kahabaan ng Brgy. Tagaran, Cauayan City, Isabela partikular sa harap ng GSIS compound.
Maswerteng nakaligtas ang biktima at drayber ng pulang Toyota Vios na may conduction sticker na VF2655 na si Herwin Vicente, 34 anyos, may asawa, empleyado ng bangko at residente ng P2 Brgy. Alinam, Cauayan City, Isabela.
Nakilala naman ang drayber ng dumptruck na pagmamay-ari ng LGU Cauayan City na may plakang SGS 643 na si Jhonny Ordonez, 50 anyos, residente ng Brgy. Nungnungan 1 ng nasabing Lungsod.
Batay sa imbestigayson ng PNP Cauayan City, binabagtas ng truck ang nasabing lansangan patungong Ilagan City habang itong pulang kotse naman ay patungong Poblacion area ng Cauayan.
Nag-overtake ang kotse sa sinusundang sasakyan at nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay sumalpok ito sa paparating na dump truck.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa drayber ng dumpt truck, mabilis aniya ang patakbo ng biktima at kanya pang sinikap na iwasan subalit nagpang-abot pa rin sila.
Kaugnay nito, nagkaayos na rin ang magkabilang panig matapos ang kanilang pag-uusap sa nangyaring aksidente.