Empleyado ng Bio-Ethanol Plant sa San Mariano isabela, Patay matapos Malunod!

San Mariano, Isabela – Patay ang isang lalaki matapos malunod at tangayin ng malakas na agos ng tubig sa Pinacanauan river na matatagpuan sa barangay Zone 3 San Mariano, Isabela.

Sa nakuhang kaalaman ng RMN Cauayan, ang biktima ay kinilalang si Dexter Canete Corsonada tatlumpu’t tatlong taong gulang, binata at residente ng Barangay Mandalagan, Bacolod City.

Sa pagsisiyasat ng PNP San Mariano, pasado ala una ng hapon ng magkayayaan ang mga katrabaho nito na mag picnic sa gilid ng ilog ng pinacanauan sa nasabing barangay at habang nag iinuman ay lumusong sa malalim na bahagi ng ilog ang biktima.


Tinangka umanong tumawid sa kabilang pampang ng ilog ang biktima ngunit hindi nito kinaya ang malakas na agos ng tubig kaya’t natangay ito at hindi na mahagilap ng kanyang mga kasamahan.

Agad naman nagtulong tulong ang PNP, BFP, Sundalo at rescue unit ng pamahalaang bayan ng San Marianosa paghahanap sa biktima hanggang sa marekober ang wala ng buhay na katawan ni Corsonada.

Sa ngayon ay inaasikaso na ang bangkay ng biktima upang maiuwi sa kanilang lugar at tumutulong narin ang kumpanya ng Bio Ethanol kung saan nagsisilbi ang biktima bilang welder.

Facebook Comments