Empleyado ng Bureau of Immigration, nakiusap kay PDu30 na ibalik ang kanilang overtime pay

Manila, Philippines – Nakikiusap ang mga empleyado ng Bureau of Immigration kay Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik ang kanilang overtime pay.

Sa open letter ng mga kawani sa Pangulo, sinabi ng mga ito na 1000 o 40% ng mga empleyado ng B-I ang mawawalan ng trabaho kung tuluyang ipahihinto ng Pangulo ang pagbabayad ng kanilang OT na lubhang nakababahala dahil mauuwi ito sa unemployment na magreresulta naman sa kahirapan.

Sentimyento pa ng mga ito na ang kanilang mga pamilya din ang maaapektuhan kung saan posible pang maging dahilan kung bakit hindi makakatapos ng pag-aaral ang kanilang mga anak.


Dagdag pa ng mga kawani, kapag nagpatuloy ang mass lay off malalagay sa alanganin ang national security dahil sa kakulangan ng mga immigration personnel na sasala at magpoproseso sa mga papasok sa bansa.

Magtutuloy-tuloy din ang paghaba ng pila sa mga Immigration counter lalo na’t papalapit na ang Semana Santa kung saan dadagsa ang mga magbabakasyon sa bansa.

Nation

Facebook Comments