Cauayan City, Isabela- Narekober ng mga otoridad ang bangkay ng isang empleyado ng DepEd na nakitang palutang-lutang sa Ilog Cagayan na sakop ng brgy Magsaysay, Naguilian, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLt. Federico Tulay, Deputy Chief of Police ng Naguilian Police Station, nakilala ang biktima na si Rolando Yap Jr, 26 taong gulang, may asawa, administrative officer ng DepEd Darugatan East, San Mariano, Isabela at residente ng Brgy. Sta Filomena, San Mariano.
Una rito, mayroon nang kumakalat na impormasyon noong Biyernes, Nobyembre 5, 2021 na mayroon umanong nakitang lalaki na tumalon sa Naguilian Bridge.
Sa imbestigasyon naman ng pulisya, sa parehong araw ay umalis ang biktima sa kanilang bahay matapos magkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pamilya at nagdala pa umano ng kanyang mga damit hanggang sa hindi na bumalik ang biktima.
Kahapon ng pasado alas kwatro ng hapon, nakatanggap ng tawag ang himpilan ng pulisya mula sa isang concerned citizen kaugnay sa nakitang bangkay na nakalutang sa ilog.
Agad na rumesponde ang PNP Naguilian katuwang ang Rescue 101 at narekober ang bangkay ng biktima na walang mga nakitang sugat sa katawan.
Nakuha naman ng pamilya ang bangkay ng biktima at naiuwi na sa kanilang tahanan.
Ayon pa kay DCOP Tulay, ikinokonsidera aniya ng pulisya na isang ‘suicide incident’ ang nangyari at posibleng problema sa pamilya ang dahilan ng pagpapakamatay ng biktima.