Empleyado ng DOJ Region 02, Inatake ng 4 Katao!

Cauayan City, Isabela- Nahaharap sa kasong Physical Injury, Grave Threat at paglabag sa RA 7610 ang apat (4) na kalalakihan matapos na atakihin ang isang empleyado ng Department of Justice Region 02 kasama ang pamilya nito sa Tamaray St, Atulayan Sur, Tuguegarao City, Cagayan.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, ang mga biktima na lulan ng Mirage na sasakyan na may plakang ACM 8385 ay minamaneho ni Gerry Acorda, 43 anyos, Administrative Assistant V ng DOJ RO2, kasama ang asawa na si Grace Benneth Acorda, 41 years old, Chairperson ng Regional Appellate Board of NAPOLCOM Region 2 at tatlong mga menor de edad na anak ay pauwi na sa kanilang bahay sa Tamaray Street, Atulayan Sur, Tuguegarao City, Cagayan.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, habang papasok sa compound ang sasakyan ng mga biktima ay hinarang ito ng mga suspek na kinilalang sina Julito Baclig, 65 anyos, may asawa, retiradong empleyado ng gobyerno, Jefferson Baclig, 30 anyos, kapwa residente rin ng Tamaray Street, Atulayan Sur, Joseph Kevin Eduard Tuliao, 28 anyos, walang asawa, taga Ugac Sur, Tuguegarao City at Merlito Baligod, 32 anyos, technician, residente naman ng Del Rosario Street, Centro 4 ng Tuguegarao City.


Nang maharang ng mga suspek ang sasakyan ng mga biktima ay agad nilang nilapitan ang mga ito at biglang sinuntok ng isang suspek na si Julito Bacling ang mukha ni Gerry Acorda.

Dito na pinagtulungang atakihin ng mga suspek ang drayber ng sasakyan at sinabihan ng mga suspek ng “PUTANG INA MO, MAYABANG KA, LUMABAS KA DIYAN, BUGBUGIN AT PATAYIN KA NAMIN, MATAGAL KA NA NAMING INAABANGAN” habang hinahampas ang sasakyan ng mga biktima.

Agad namang dumating ang mga rumespondeng pulis na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek at dinala sa Tuguegarao City Police Station para sa karagdagang imbestigasyon.

Nabatid na positibo sa nakalalasing na inumin ang apat na mga suspek matapos na suriin ng isang Doktor.

Facebook Comments