Empleyado ng DOST RO2, Patay Matapos Pagbabarilin ng Kanyang Dating Live-in Partner!

Cauayan City, Isabela- Patay ang isang babae na empleyado ng DOST Region 02 matapos pagbabarilin kagabi ng kanyang dating kinakasama sa bahagi ng Maharlika Highway, Brgy. Leonarda, Tuguegarao City, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Lumen Valdapenas, 39 anyos, may-asawa, residente ng Annafunan East, Tuguegarao City habang ang suspek ay si Domingo Caranguian Jr, 45 anyos, walang asawa, care taker, at residente ng Brgy Leonarda, Tuguegarao City, Cagayan.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon ng matinding pagtatalo ang dalawa sa bahay ng suspek hanggang sa pinagbabaril na ng suspek sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima.


Agad na dinala sa pagamutan ang biktima subalit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.

Narekober ng SOCO team sa pinangyarihan ng krimen ang anim na piraso ng basyo ng bala habang narekober naman sa loob ng kwarto ng suspek ang isang Caliber 45 na baril.

Boluntaryong sumuko sa mga pulis ang suspek na ngayon ay nasa kustodiya ng pulisya habang patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya at inihahanda na ang kasong isasampa laban sa suspek.

Facebook Comments