Empleyado ng Kapitolyo sa Quirino, Balik Selda dahil sa Droga!

*Quirino- *Balik kulungan ang isang empleyado ng pamahalaang panlalawigan ng Quirino matapos mahuli sa isinagawang drug buybust operation ng pinagsanib na puwersa ng Phil.Drug Enforcement Agency Region 02 (PDEA R02), Provincial Intelligence Branch (PIB) ng Quirino Police Provincial Office (QPPO) at PNP Aglipay sa bahagi ng National Highway, Purok #3, Barangay Pinaripad Norte, Aglipay, Quirino.

Nahuli si Reynald Ortega Bicos, 40-anyos, may-asawa, provincial govt employee ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na residente ng nabanggit na lugar sa inilatag na buybust ng mga otoridad.

Narekober sa pag-iingat ni Bicos ang isang kulay blue echo bag na naglalaman ng isang box na pinatuyong dahon ng marijuana, ilang pakete ng pinaniwalaang shabu, 2 piraso ng limang daang psio, 1 unit ng cellphone maging ang sasakyan nitong light gray Honda Civic na may plakang ZDT 680 na pinaniwalaang ginagamit sa pagbebenta ng illegal na droga.


Kabilang sa mga narekober ang halos isang plastic bag na pinagbasyuhan na plastic sachet at foil na pinaniwalaang naibenta na nito dahil sa ginagawang pot session o pinaghihithitan ng droga ang loob ng kanyang sasakyan.

Sa ekslusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Capt.William Agpalza, hepe ng PNP Aglipay ay wala umano siyang sasantuhin sa mga nagbabalak na magbenta ng droga sa kanyang nasasakupan.

Posibleng tuluyan ng mabulok sa kulungan si Bicos dahil sa pang-apat na umano itong makulong sa parehas na kaso ng droga at tiniyak ni P/Capt.Agpalza na hindi na umano makalabas sa bilangguan si Bicos dahil sa mga nakuhang ebidensya na pinaniwalaang shabu, pinatuyong dahon ng marijuana at mga drug parapernalya.

Si Bicos ay nasa High Value Drug Target o HVT ng pulisya at PDEA dahil sa nakuha mula sa pag-iingat nito na malaking volume o dami ng illegal drugs na narekober.

Pansamantala, nasa kustudiya ng pulisya si Bicos habang inihahanda na ang kasong may kinalaman sa paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Facebook Comments